Book Review: Coming Home by Grace Chong

3:58:00 AM

Book Review: Coming Home by Grace Chong


Blessed ako dahil isa ako sa mga unang nagkaroon ng kopya ng librong ito. Nakapunta ako sa book launching ni Tita Grace Chong ng “Coming Home”, ang kanyang bagong book series. Nakita ko pa ang storytelling para sa librong ito. Pagkatapos ng storytelling ay ininterview si Tita Grace tungkol sa libro. Hango pala ito sa kanyang karanasan. Noong bata siya ay may isang kamag-anak sila na pumunta sa kanilang bahay at kanilang kinupkop.


Pagkatapos noon ay nagpapirma ako kay Tita Grace ng aking kopya ng “Coming Home”. Ako ang pinakaunang nagpapirma sa kanya. Naikwento ko na ako ay isang medical student. Yung kanya palang anak ay isang medical doctor din. Nakakatuwa. Tapos ang saya pa ng dedication ni Tita Grace: "To Lads, I wish you a happy home!" Hay, ang sarap talaga nang may masayang pamilya!


Ito nga pala yung picture ko kasama si Tita Grace. Kumakain siya diyan ng tinapay at inistorbo ko lang kahit nakahihiya kasi gusto ko ngang magkaroon ng picture kasama siya. Noong book signing kasi ay ayaw gumana ng aking camera. Buti na lang napagana ko ulit at naroon pa si Tita Grace. Yehey!


Noong nakita ko yung pabalat ng bagong libro ni Tita Grace, ang unang naitanong ko ay kung kanino yung pares ng sapatos na sira at napakarumi. Halatang mahirap ang pinagdaanan ng may-ari ng sapatos na ito. Talaga namang gamit na gamit at sulit na sulit ang mga sapatos na iyon. Tiyak na marami na itong pinagdaanan na karanasan kasama ang nagmamay-ari nito. Ang bisita ng mga Zambrano ay si Kuya Ped. Kamag-anak nila ito at ulila na sa magulang. Actually, mukhang babae si Kuya Ped dahil mahaba ang kanyang buhok.


Tulad ng iba pang mga kwentong nabasa ko, nagsimula ang kwento na napakasaya. Tuwang-tuwa ang magkapatid na sina Abby at Sam dahil lalabas ang kanilang pamilya at nasasabik na sila sa pagsakay sa ferris wheel. Pero nagtaka sila dahil pagdating nila sa bahay ay may dalawang pares ng sapatos. Nang pumasok sila sa bahay ay doon nila nalaman kung sino ang kanilang bisita. Pagkapasok, nalaman nilang hindi na tuloy ang kanilang lakad dahil sa pagdating ng kanilang bisita. Kitang-kita naman ang lungkot sa mga mukha ng magkapatid dahil hindi na tuloy ang inaasahan nilang paglabas.

Dito sa larawang ito, nagustuhan ko kung paano ipinakita ang kahalagahan ng pagdarasal bago kumain, na dapat magpasalamat sa Panginoon sa mga biyayang ating tinatanggap. Isa pang nagustuhan ko rito ay ang pagsalu-salo ng isang pamilya. Mahalaga ang pagkain ng sama-sama dahil sa oras na ito napag-uusapan ang mga karanasan ng bawat bahagi ng pamilya; minsan kung may mga problema o kung may mga pagsubok ang mga anak, dito rin nila ito maibabahagi sa kanilang mga maulang. Nakatutulong ang pagkain ng sama-sama para mas lumalim ang relasyon sa isa't isa.


Natuwa ako rito sa larawang ito ni Kuya Ped na gutom na gutom at mukhang tuwang-tuwa sa pagkain. Parang wala ng bukas kung kumain si Kuya Ped. Parang hindi pa nakakain ng ganitong klase ng pagkain si Kuya Ped, o kung nakakain na siya nito ay malamang matagal na panahon na nang huli niya itong natikman. Hindi na ako ganito kalakas kumain ngayon kasi binabantayan ko na ang kinakain para sa aking kalusugan. Hahaha.


Dito kitang-kita na sobrang sipag ni Kuya Ped. Halata naman na sanay na sanay sa pagtatrabaho at gawaing-bahay si Kuya Ped, dahil nga siya ay ulila na at namuhay sila nang payak kaya sanay siyang magtrabaho. Hindi pinanganak na mayaman si Kuya Ped. Hangang-hanga naman ang magkapatid na Sam at Abby kay Kuya Ped.

Nasugatan si Kuya Ped. Naku! Nagmamadali atang gumawa ng kama si Kuya Ped at hindi nito namalayan na nasugatan na pala siya. Kaya mga bata, mag-ingat kayo para hindi kayo masugatan. Magpatulong sa mga magulang kung delikado ang inyong bagay na gagawin lalo na kung hahawak kayo ng mga matatalim at matutulis na bagay. Sana hinugasan niya ito agad kasi maaari itong magdulot ng impeksyon kung hindi agad maagapan. Dahil sa sakit ng sugat ni Kuya  Ped at dahil sa pagkagulat na rin siguro ay napamura ito. Narinig naman ni Sam ang pagmumura ni Kuya Ped. Masama ang pagmumura. Kung sa ilan natural lang iyon at madalas na naririnig sa mga kaibigan, masama pa rin iyon. Hindi dahil laging sinasabi ng iba, ayos lang na gayahin natin. Kaya mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang upang malaman ng mga kabataan ang mali sa tama. Nakakatuwa na ang mga magulang nina Sam ay ipinaliwanag sa kanya na hindi dapat magmura at masama iyon.


Ang galing ni Kuya Ped. Para na siyang karpintero. Hindi man siya nakapag-aral ay napakagaling niya naman sa mga praktikal na bagay tulad ng paglilinis at paggawa ng mga kagamitan tulad ng kama. Malaki tuloy ang natipid ng mag-asawang Zambrano dahil hindi na nila kailangan pang bumili ng kama. Naipakita rito ang pagiging maparaan ng mga Pilipino. Ika nga nila, "We maximize the little resources that we have." Kahit na kaunti lang ang resources, nasa diskarte at resourcefulness ‘yan kung paano natin magagamit itong mga bagay na mayroon tayo. Sa huling pahina ng kwento: Talaga namang "good night" ang gabi ng mga Zambrano. Ang sarap ng tulog ng magkapatid!


Natuwa ako dito sa larawang ito kasi maikli na ang buhok ni Kuya Ped at malinis na siya. Kitang-kita naman dito na kuyang-kuya na siya kay Sam. Ang saya! Ang saya ng pamilya Zambrano. Nagkaroon sila ng instant kuya! Nakakatuwa ang pagtanggap at pagkupkop ng mga Zambrano kay Kuya Ped. Kahit na medyo malayong kamag-anak na nila si Kuya Ped ay hindi sila nag-atubili na tulungan ito. Talaga nga naman na ang Panginoon na ang gumawa ng paraan upang matagpuan ni Kuya Ped ang mga Zambrano.

Isa sa mga take-home lessons ng kwentong ito ay ang pagtulong at pagmamahal sa ating kapwa. Lalo na kung tayo ang nakaluluwag sa buhay, tulungan natin ang mga nangangailangan ng tulong. Naipakita ang kahalagahan ng pamilya, ng padarasal, ng pagsasalu-salo. Naipakita na mahalaga na nasusubaybayan at nagagabayan ang mga anak ng kanilang mga magulang. Kahit na abogado si Atty. Zambrano ay may oras pa rin siya para sa kaniyang pamilya. Mahalaga iyon upang lumaki nang maayos ang kanilang mga anak. Kaya paalala ito sa akin na magiging doktor sa hinaharap, na gaano man kabusy ay magkaroon pa rin ng oras para sa pamilya. Sana ay maraming bata at magulang ang makabasa ng “Coming Home Series” ni Tita Grace. Excited na ako para sa susunod na libro!

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed