Book Review: Naku, Nakuu Nakuuu! by Nanoy Rafael

6:34:00 PM


Ang cool ng cover ng book. Ang animated tingnan! Makikita na parang balisa si Isko habang tinitingnan ang gamit ng baby. Para crib ata yung hinahawakan niya dito. Bakit kaya blisa at parang kinakabahan itong si Isko? Malalaman yan kapag nabasa niyo na ang kwento.



Noong nakita ko na yung dedication ni Kuya Nanoy Rafael para sa akin, hindi ko naintindihan yung haraya. Related ba yun sa "hiraya" ng Hiraya Manawari? Hahahaha. Hindi na siguro kilala ng mga bata ngayon kung ano yung Hiraya Manawari. Tapos noong nalaman ko na yung kahulugan, natuwa ako. Totoo! Haraya nga lang ang hanggahan. Ibig sabihin ng haraya ay imagination o pagliliwaliw ng isip. Bigla naboost ang aking kagustuhan na makapagsulat muli. Soon. Soon. Makakapagsulat ulit ako. Sa ngayon, makukuntento muna ako sa pagbabasa at paggawa ng mga book reviews ng mga Filipino children's books na nababasa ko.


Ang cute dito ni Isko. Nakaaskara siya sobrang liit yan tuloy parang ilong ng baboy. Hahahaha. Medyo may pagka-emo itong si Isko. Naalala ko tuloy yung pormahan ng mga tao nung high school pa ako. Usung-uso yung mga checkered na damitin na kulay black and white saka yung mga matitingkad na pulang mga accessories. Tapos ang lungkot pa dito ni Isko. Emo nga siguro siya (sabay tugtog ng mga Red Jumpsuit Apparatus, Secondhand Serenade, FM Static at Paramore na mga kanta). Mapapansin din natin na hindi pareho ang suot na panyapak ni Isko. Siguro bata pa lamang siya, mga limang taon siguro. Kasi hindi pa siya marunong magsuot ng tamang pares ng panyapak. 


Sa pagsisimula ng kwento, balisang-balisang umalis ng bahay si Isko. Tumatakbo siyang umalis. Nakadungaw sa bintana yung crib. Ano kaya ang kinalaman noon kung bakit parang nagmamadaling umalis si Isko sa bahay nila?


Nakasalubong niya si Kaloy na naglalaro ng gagamba. Hindi ko ito naranasan noong bata pa ako. Kasi takot ako sa gagamba. Ayoko silang hawakan o laruin. Siguro dahil ang naitatak sa isip ko ay may lason sila. Kahit alam kong hindi naman lahat ng gagamba ay may lason at sa totoo ay konti lang naman talaga ang gma gagambang may lason ay hindi ko pa rin talaga sila magustuhan. Ang gusto ko sa larawan sa itaas, may dalawang ibon na katabi si Kaloy. Mahilig kasi ako sa ibon. Napakaganda nila at nakakaaliw ang kanilang bird calls. 


Tinanong ni Isko kay Kaloy kung paano dumadami at nanganganak ang mga gagamba, Itinuro naman ni Kaloy na ito ay nangingitlog ng sobrang dami. Tapos nalaman din ni Isko na ang mga bagong gagamba ay pinag-aaway ni Kaloy. Uso kasi itong laro na ito. Gamit lamang ang isang stick, paglalabanin ang dalawang gagamba. Kadalasan ay namamatay ang matatalong gagamba. Kinabahan si Isko. Ano kaya ang naisip nitong batang ito? Nagmamadali itong umalis!


Nakasalubong naman ni Isko ang kaibigan niyang si Iya na sakto ay may kapapangananak na aso. Nagtanong naman si Isko kung paano nagkakaroon ng bagong tuto. Sinabi naman ni Iya na lumalaki ang tiyan ng aso at biglang lalabas nalang ang bata. Kaiba sa mga tao na kailangan pa ng doktor o kumadrona, sa mga aso ay kaya nilang manganak kahit sila lang. Mammals din ang mga aso kaya may pagkakapareho sa pagbubunti ng mga tao. Nagpapasuso din sila dahil kailangan ng mga tuta ang gatas na magbibigay ng nutrisyon sa kanila. 


Naitanong ni Isko kung anong ginagawa nila Iya sa napakaraming tuta nila. Nasabi ni Iya na yung iba ay ipinangreregalo nila. Matapos marinig iyon ay nagtatakbo na naman itong si Isko? Bakit kaya siya balisa at nagmamadali? Ano kayo ang gumugulo sa kanya?


Nagustuhan ko lang itong ibon na nakatungtong sa itaas na inahing aso. Ang cute kasi. Parang maliit na hornbill. At ang pula ng kanyang beak kaya nakakaaliw.


Tumakbo ng tumakbo si Isko hanggang sa mapuntahan niya si Doktora. At itinanong na niya kung paano ba nagkakaroon ng bagong anak. Paano ito nabubuo at paano ito nabubuhay. Ipinaliwanag naman ni Doktora kay Isko. Na isa itong matagal na proses, siyam na buwan na lumalaku ang bata sa sinapupunan ng Ina. Madalas sinasabi na nasa loob ng tiyan ng ina ang baby. Pero sa katotohanan ay sa bahay-bata o uterus nakatira ang baby. Doon siya lumalaki. At sa tamang panahon ay lalabas siya doon kapag ipapanganak na siya. Naalala ko tuloy ang developmental biology subject namin noon nasa kolehiyo pa kami. Inaaral namin ang development ng organisms from fertilization until death. Inaaral lahat ng mga genes, transcription factors, mga enzymes at marami pang molecules na kailangan sa pagdevelop ng isang organism. Exciting, isa iyon sa mga pinakanaenjoy kong subjects. Talaga namang nasabi ko na "I am fearfully and wonderfully made". Ang galing ng Panginoon kung paano Niya tayo ginawa. Hindi ito maaaring by chance lamang. There is a Higher Being behind this - - God.

Biglang naitanong naman ni Isko kung ano ang mangyayari sa nakatatandang kapatid kapag ipinanganak na ang bunsong kapatid. Dito natin makikita na natatakot o kinakabahan si Isko dahil hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya kapag lumabas na ang kanyang kapatid. Para bang gagamba na mag-aaway lamang sila at hindi magkakasundo? Para bang mga tuta na ipapamigay nalang siya kung kanino man? Ito ang mga katanungan ni Isko. Nakakaaliw itong kwento sapagkat ipinakikita kung gaano kalawak at karami ang tanong ng mga bata. Ang dami nilang tanong at ang dami nilang gustong malaman. Kaya wag natin iismolin ang mga bata. Matatalino sila at maraming magagandang katanungan.


Talagang naguguluhan si Isko kung ano nga ba talaga ang mangyayari sa kanya kapag ipinanganak na ang kayang bunsong kapatid. Ang lugkot niya. Nakatapak pa ng chewing gum. Hahahaha. Ang cute lang din ng mga daga sa paanan ni Isko. 

 

Nang pauwi na Isko ay nakita niya si Otep kasama ang Kuya nito. Tinanong niya si Otep kung ano ang pakiramdam ng mayroong Kuya. Ipinaliwanag naman ni Otep na masaya magkaroon ng Kuya. Mayoong tumutulong sa kanya kapag may assignment siya, may tagapagtanggol kapag tinutukso o inaaway siya ng kanyang mga kaklase at meron siyang kalaro at karamay sa buhay. Doon naliwanagan si Isko na masarap palang magkaroon ng kapatid. Na hindi naman siya dapat matakot. Malungkot mag-isa. Kaya kung may kapatid ka, mayroon kang instant kaibigan.


Naku, Nakuu, Nakuu! Hindi naman pala mahirap magkaroon ng kapatid. Masaya pala. Oo masaya talagang magkaroon ng kapatid. Dito ipinakita na maraming masasayang bagay ang pwedeng gawin ng magkapatid. Naunawaan na ni Isko ang lahat. Nawala ang takot at napalitan ng saya at pagkasabik na magkaroon ng kapatid. Minsan kasi ang nagiging problema sa magkakapatid ay ang pagpapaligsahan. Nag-aagawan sa atensyon ng mga magulang. Hindi dapat ito mangyari. Ang magkakapatid ay dapat nagtutulungan at nagmamahalan. Dahil pagdating ng panahon ay kayo rin ang magdadamayan.


Umuwi si Isko at hinagkan ang kanyang Inay at ang kanyang kapatid na nasa sinapupunan nito. Nawala ang takot dahil nalaman na ni Isko kung ano ang katotohanan. Namulat siya na hindi naman pala siya dapat takot. Isang aral na makukuha natin dito ay wag tayong matakot sa hinaharap. Wag tayong matakot na sumubok. Hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan. Pero syempre hindi ka lang basta sugud ng sugod o basta subok nalang ng subok. Kailangan tulad ni Isko ay alamin mo muna ang bagay na gagawin o susubukan mo. Magtanong ka. 


Huwag tayong mabuhay sa takot. Huwag tayong matakot na magtanong. Matalino ang nagtatanong. Huwag tayong matakot sa di kasiguraduhan ng buhay. Dahil hawak ng Panginoon ang ating buhay. Ipagkatiwala lang natin ito sa Kanya. Sa mga batang magkakaroon na ng kapatid. Huwag kayong matakot. Mahalin niyo ang inyong kapatid. Biyaya siya ng Panginoon sa inyong pamilya. Sana maraming bata ang makabasa nito. Napakagandang libro at madaling basahin. Nakakatuwa din ang illustrations. 

Hindi ko pinagsisisihan na binili ko itong librong ito. Bigla ko lang siyang nabili dahil naroon sa booth ng Adarna ang author. So para makapagpapirma na rin ako, bumili ako. Saka maraming authors din ang nagrekomenda ng librong ito. Kayo, bumili na rin kayo!

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed