Book Review: Sandosenang Sapatos by Dr. Luis Gatmaitan

8:01:00 AM


Isa sa mga dahilan ng pagpunta ko sa NCBD Book Fair ay para makita ko at makausap si Dr. Luis Gatmaitan na mas kilala bilang si Tito Dok. Pumunta ako sa book signing ng bagong libro ni Tito Dok. Kaso napakaraming bata na nagpapapirma ng kanilang mga bagong libro. Kaya umakyat muna ako sa open area kung saan naroon ang mga publishers na nagbebenta rin ng mga libro. Naaliw ako sa pagbili at nakalimutan ko nang balikan si Tito Dok para magpapirma ng halos 20 piraso ng mga libro niya. Kumpleto ang koleksyon ko ng health series ni Tito Dok, dahil isa akong mag-aaral ng medisina, pati na rin ng iba pa niyang mga akda. Isa na nga rito ay ang “Sandosenang Sapatos”.

Pagbalik ko para magpapirma kay Tito Dok, wala na siya roon. Ibang speaker na ang nagsasalita. Nalungkot ako dahil isa siya sa mga ipinunta ko sa book fair. Bumalik na lang ako sa itaas para makinig sa Coming Home, ang bagong book series ni Tita Grace Chong. Pagkatapos noon ay naisip ko pa rin na sana ay nasa paligid pa si Tito Dok. Makalipas ang ilang oras, nag-anunsyo na nasa OMF Booth daw si Tito Dok at pwedeng magpapirma sa kanya. Agad akong pumunta at pumila.

Medyo mahaba ang pila pero naghintay ako. Gusto kong mapirmahan niya lahat ng halos 20 piraso ng kanyang mga libro. Noong ako na ang pipirmahan ni Dok, naikwento ko na ako nga ay nag-aaral ng MD-PhD in Molecular Medicine at bawat taon ay sampu lamang ang nakapapasok sa programang ito. Natuwa si Tito Dok. Ikinuwento pa niya ito kay Tita Grace na katabi rin niya. Marami pang sumingit na magpapirma nang paisa-isa. Pinasingit ko na dahil marami nga naman ang ipapipirma ko. Nakahihiya kung hihintayin pa nilang matapos lahat at saka para hindi rin nagmamadali si Tito Dok sa pagpirma at paglagay ng dedikasyon.

Noong itong “Sandosenang Sapatos” na ang kanyang pinipirmahan, nabanggit ko na sobrang nakaiiyak nitong kwento. Isa ito sa mga paborito kong akda niya. Kinuwento  niya na isinalin na raw ito sa maraming wika at ginawa na ring isang musical. Nakamamangha! Patunay lamang ito na napakaganda talaga ng kanyang akda. Kinuwento ni Tito Dok na noong isinulat niya ito ay hindi niya akalain na nakaiiyak pala ang kwento. Noong ipinabasa niya raw ito sa kapatid niya na isang dentista ay naiyak nga raw ito. Sa palagay ko, lahat talaga ng makababasa nitong kwentong ay maiiyak sa dakilang pagmamahal ng mga magulang nina Karina at Susie sa kanila.

So ayun, nakapagpapirma ako kay Tito Dok. Natuwa ako sa kanyang dedikasyon: "Hi Lads! Para ito sa mga pangarap mong higit pa sa sandosena." Tunay ngang higit pa sa sandosena ang aking mga pangarap na sa tulong ng Panginoon ay alam kong aking makakamit. Isa sa mga pangarap na ito ay ang makapagsulat ng mga akdang pambata. Idolo ko si Tito Dok pagdating dito. Gusto kong makagawa ng marami pang mga akda na ang paksa ay kalusugan.


Isa pa sa mga nagustuhan ko sa librong ito bukod sa napakamakulay at napakagandang ilustrasyon ay ang pagpapakita ng kagalingan ng mga Pilipino sa paggawa ng sapatos. Hindi ko ba alam kung bakit nahilig ang mga Pilipino sa mga sapatos na gawang banyaga, samantalang napakaganda at napakatibay ng mga gawang Pinoy. Kilalang-kilala ang mga sapatos na gawang Marikina sa magandang kalidad nito. Sa kwento, isang sapatero ang Tatay nina Karina at Susie. Isa raw siya sa mga pinakamagaling na gumagawa ng sapatos. Totoo naman dahil napakaganda ng mga sapatos na kanyang gawa. Napakapalad na maging isang anak ng sapatero dahil kahit anong gusto mong disenyo ay tiyak na magagawa ng Tatay mo.


Isang katotohanan na ipinakita sa kwentong ito ay ang pagiging tsismoso ng mga Pilipino. Maraming mga Pilipino ang natutuwa sa pag-api sa kanilang mga kapwang may kapansanan. Laging sinasabi na isinumpa raw kaya nagkaroon ng ganoong bunga ng kasalanan. Mahilig tayong gumawa ng mga kung anu-anong kwento. Akala ng iba okay lang ang kanilang ginagawa. Akala nila marami ang natutuwa. Hindi nila alam na nasasaktan ang mga taong pinagtsitsismisan nila, na ang mga ito ay may damdamin din na nasasaktan.


May mga panahon na hindi na natin matiis at mapagpasyensiyahan ang mga nang-aapi at nagsasabi ng mga masasakit na bagay sa atin o sa ating mga kapamilya. Ngunit kailangan natin silang pagpasyensiyahan,apagkat kapag nagpa-apekto tayo sa kanila ay tayo rin ang talo. Hayaan lamang natin sila kung ‘yan ang gusto nilang gawin. Basta alam natin sa sarili natin na wala tayong ginagawang masama at masaya tayo sa ginagawa natin. Kung ‘yan ang ikasasaya nila, hayaan na natin sila.


Hindi kasalanan ni Susie na ipinanganak siyang walang paa. Hindi rin ito dahil siya ay isinumpa o siya ay pinarusahan ng Panginoon. Gusto ko kung paano hinarap ng pamilya ang naging kalagayan ni Susie, na kahit wala siyang paa ay hindi ito naging hadlang upang maging masaya ang kanilang pamilya. Hindi nito napigilan si Susie na gawin ang mga bagay na gusto niya. Hindi nito napigilan si Susie na ipakita ang pagiging positibo sa buhay at ang pagiging mapagmahal sa kapwa. Para sa akin Isa siyang mabuting anak. Kulang man ang kanyang katawan, wala man siyang paa, pero alam kong mas buo pa siya kaysa  ibang tao, dahil hinubog siya at pinalaki ng kanyang pamilya nang may buong pagmamahal.

Pangarap ng mga magulang ni Susie na siya’y magingbalerina sa kanyang paglaki. Ngunit dahil nga wala siyang paa ay hindi na ito mangyayari. Natuwa ako na sinubukan talaga ni Karina na mag-aral na maging balerina upang maging masaya si Tatay, na kahit siya man lang ay maging isang balerina. Ngunit kahit anong gawin niya ay tila inaayawan siya ng ballet. Nakita ko rito ‘yung pagmamahal ni Karina sa kanyang kapatid at sa kanyang mga magulang. Napakaganda ng relasyon nina Karina at Susie. Mahal na mahal nila ang isa’t isa. Hindi inisip ni Karina na pabigat sa kanya si Susie; sa halip ay minahal niya ito nang buong puso.


Nakamamangha na ang mga napapanaginipan ni Susie na mga sapatos na ginagawa para sa kanya ng kanyang Tatay tuwing kaarawan niya ay totoo palang ginagawa ng kanyang Tatay. Dito ako talagang naluha noong ipinakita na ang sandosenag pares ng sapatos na itinago ng Tatay at ginawa niya para kay Susie. Bawat taon ay may isang pares ng sapatos na nilikha na tugma sa mga panaginip ni Susie. Pati ang mga detalye ay hawig na hawig. Inisip ko kung paano kaya nangyari na ang mga likha ni Tatay ay tugma sa mga panaginip ni Susie. Marahil ito ay dahil sa dakilang pagmamahal ni Tatay kay Susie. Napakaganda ng mga disenyo na gawa ni Tatay. Sana nga ay magkaroon ng ganito sa totoong buhay: na mayroon talagang sandosenang sapatos na gawa ng Tatay nina Karina at Susie.





Nalungkot ako na namatay ang Tatay nila sa kwento. Ngunit sa kabilang banda, nawala man ang kanilang Tatay, nag-iwan naman ito ng napakagandang regalo para kay Susie. Hindi man ito maisuot ni Susie,  magsisilbi naman itong paalala sa dakilang pagmamahal ng Tatay kay Susie. Ang daming aral na makukuha mula sa kwentong ito, mula sa pagmamahal sa pamilya hanggang sa pagiging positibo sa buhay sa kabila ng kapansanan; na hindi hadlang ang kapansanan para tayo ay magmahal; na hindi dahil may kulang tayong parte ng katawan ay hindi na tayo buo. Naipakita nga rito sa kwento na buong-buo si Susie. Buo ang kanyang pagkatao, dahil hindi nagkulang ang mga mahal niya sa buhay  sa pag-aaruga at pagmamahal.

Maraming tao ang buo ang katawan, walang kapansanan o kakulangan na pisikal. Sagana sa mga materyal na bagay. Sa mata ng mundo, perpekto sila. Ang sarap ng kanilang mga buhay. Pero kadalasan, sila pa nga ang may kulang. Maaaring kulang sa atensyon o pagmamahal. Mukha silang buo sa labas, parang cake na pang-display lang sa mga cake shop: "So great with all its icing and toppings on the outside, but inside was nothing buthard cardboard." May mga tao na kahit buo sa pisikal ay may kakulangan na emosyonal o ispiritwal. Mainam na siyasatin natin ang ating mga sarili kung mayroon ba tayong mga pagkukulang o problema. Humingi ng tulong kung kinakailangan. Minsan kasi nauuwi ito sa depresyon na maaaring humantong sa pagpapatiwakal.

Ang Sandosenang Sapatos ay kwento ng pagmamahal, pag-asa, at kagalakan sa kabila ng mga hamon ng buhay. Palagi sana nating tingnan ang mga bagay sa positibong paraan: Na anuman ang mangyari ay mayroong kadahilanan at marahil hindi natin makita ang dahilan ngayon pero sa hinaharap malalaman natin kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay na ito sa ating mga buhay. Naaalala ko ang verse sa Bible na Romans 8:28, "And we know that for those who love God all things work together for good, for those who are called according to his purpose," at Isaiah 55:9, "As the heavens are higher than the earth, so are my ways higher than your ways and my thoughts than your thoughts." Maraming mga bagay na nangyayari sa ating mga buhay ang hindi natin naiintidihan pero hindi nagkakamali ang Panginoon. May dahilan ang lahat ng mga bagay. Magtiwala lang tayo sa Kanya. Alam Niya ang Kanyang ginagawa.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed