Book Review: Hating Kapatid by Raissa Falgui

5:42:00 AM


Isa ito sa mga children's book ko na hindi ako ang bumili. Binili ito ng nakababata kong kapatid para sa akin. Binili niya ito mula sa isang online book shop. Actually second hand na pero maayos pa naman. Teacher ang huling may-ari nito.

Agad kong binasa pagkabigay niya sa akin. Unang tanong ko sa sarili ko ay kung bakit mga langgam ang ilustrasyon sa magkapatid na tauhan. Noong binabasa ko na, hindi lang mga langgam ang tauhan, iba't ibang klaseng hayop ang mga tauhan. May palaka, may suso at may uod. Nakakatuwa ang ilustrasyon.

Marahil ay may simbolismo kung bakit langgam ang ginamit na tauhan. Ang naisip ko, bilang ang aking undergraduate degree ay Biology, ay sa pagiging eusocial animals ng mga langgam. Ang ibig sabihin ng eusocial animals ay may kanya-kanya silang trabaho at naghahati hati sila sa mga gawain sa kanilang bahay. Nagtutulungan ang mga langgam sa pag-iimpok ng mga pagkain nila. Para kapag dumating ang tag-ulan ay may makakain silang lahat. May mga langgam na nakatalaga na maghanap ng mga pagkain. May mga langgam na nakatalaga ng magbantay ng kanilang tahanan. May mga langgam na nakatalaga na magbigay depensa sa kanilang tahanan kung sakaling may magtangkang sumugod at kumain sa kanila. May mga nakatalaga na maging ina at mangitlog ng mga supling na langgam. Ang mga langgam ay naghahati hati sa gawain upang masiguro na sila ay mabubuhay. Nawa ay matuto tayo mula sa mga langgam. Nagtutulungan at naghahati hati sa lahat ng bagay.

Magandang mabasa ng mga kabataan ang librong ito. Punung-puno ito ng aral. Lalung-lalo na nag mga may kapatid. Tamang-tama ito para sa kanila. Tinatalakay nito ang pagbibigayan sa mga magkakapatid. Nilinaw nito ang tunay na kahulugan ng "hating kapatid". Dapat ay pantay-pantay. Hindi dahil mas nakakatanda ka ay magkakaroon ka ng mas malaking parte sa mga bagay na ibinibigay sa inyo ng inyong mga magulang. Dapat ay maging patas. Huwag na huwag tayong manlalamang. Kailangan ay matuto tayong magbigay hindi lang sa ating pamilya kung hindi maging sa ibang tao. Huwag tayong manlalamang ng ating mga kapwa para lang makaangat tayo sa buhay. 

Sa kwentong ito, laging nilalamangan ng nakatatandang kapatid ang bunso. Laging mas marami ang kinukuha ng kuya at laging mas kaunti ang natitira sa bunso. Kaya naman ang akala ng bunso ay ganoon ang hating kapatid. Mas marami lagi sa nakatatanda at mas kaunti sa bata. Mas may karapatan ang kuya dahil mas matanda siya. Ipinakikita dito ang impluwensya ng ating gawain sa mga bata. Aakalain nila na tama ang mga ginagawa natin. Kahit na mali, iisipin nila na tama ito dahil lagi nilang nakikita na ginagawa ng mas nakatatanda. Kaya dapat ay maging maingat tayo sa mga gawain natin. Dahil malaki ang maidudulot nito sa mga kabataan.

Mabuti na lamang at nalinawan ang bunso dahil sa kanyang kaibigang si Dina. Noong magpunta sila sa bahay ni Dina, naipaliwanag sa bunso na ang hating kapatid ay patas at pantay. Walang lamang. Walang mas marami. Walang mas kaunti. Kaya nang umuwi ang bunsong kapatid sa kanilang bahay dala ang sapin-sapin na galing kay Dina, ipinakita niya sa kanyang kuya kung ano ang tunay na kating-kapatid. Naliwanagan din naman ang kanyang kuya at parang na-guilty pa ito sa ginawa niyang panlalamang sa kanyang kapatid. At sa huli ay ibinahagi nila ang dalang sapin-sapin sa buong pamilya. Hating-pamilya!

Mahalaga ang pagbibigayan. Mahalaga ang pagiging pantay, patas at hindi nanlalamang. Madalas pinag-uugatan ng hidwaan ang panlalamang. Maraming mga tao ang nag-aaway dahil sa panlalamang. Kahit mga magkakapamilya ay nag-aaway dahil dito. Nawa ay magsilbing aral ang dalawang magkapatid dito sa kwentong ito. Matuto tayong magbigayan at maging at patas sa lahat ng oras. Huwag na huwag tayong manlalamang ng ating kapwa. Basahin niyo itong libro na ito. Nakakaaliw at maraming matututunang kwento.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed