Liham Para sa Aking Unang Pasyente

7:24:00 AM

September 16, 2015. Isang araw bago ang OS203 Exam, lahat sa klase ay kinakabahan na at sinusubukang alalahanin lahat ng mga inaral tungkol sa lower extremities anatomy, exercise physiology at radiology. Ramdam ko ang kaba sa lahat. Marami ang hindi nakapasa noong unang exam kaya naman desidido ang lahat na bumawi at makakuha ng mas mataas na grado ngayon.


Sa kabila ng kaba, takot at pagod, masaya ako na kahit paano ay nakapagpahinga kami sa klase ng IDC202 (Art of Medicine). May mga speakers mula sa PETA na nagsagawa ng workshop sa aming klase tungkol sa komunikasyon. Masaya. Dahil nakahinga kami. Nalimutan ang nagbabadyang pasakit na dulot ng exam. Masaya ang kanilang mga laro at marami naman kaming natutunan. Kung gaano kahalaga ang malinaw na komunikasyon lalo na sa laranganng medisina. Mahalaga ito sapagkat nakasalalay ang buhay ng mga pasyente sa aming mga doktor. 

Bago matapos ang workshop, nagpagawa sila ng liham. Liham para sa aming magiging unang pasyente kapag kami ay naging doktor na. Gusto ko lang ibahagi ang aking naisulat:

" Para sa aking unang pasyente pagkatapos ko sa kursong MD-PhD in Molecular Medicine at magpakadalubhasa sa larangan ng panggagamot sa sakit na kanser. Tanaw ko ang maningning na bukang-liwayway sa iyong laban sa sakit na kanser. Pagtutulungan nating sugpuin ang iyong sakit. Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang makahanap ng lunas. Ang tanging hiling ko lamang sa iyo ay huwag kang mawalan ng pag-asa, huwag kang tumigil umasa at maniwala na gagaling ka!"

Ang makatulong sa kapwa, makapaghatid ng pag-asa at maiparamdam ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa aking magiging mga pasyente - yan ang mga bagay na higit akong nananabik na maranasan. Kulang kulang pitong taon na lamang. Kaunting paghihintay na lamang. Hanggang sa ating pagkikita, minamahal kong pasyente.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed