Ang Leprosy ay Nagagamot. Huwag Itong Katakutan, Kailangan ay Maagang Gamutan!

6:05:00 AM


Ang Leprosy ay Nagagamot. Huwag Itong Katakutan, Kailangan ay Maagang Gamutan!

Ang leprosy o tinatawag ding Hansen's disease ay nakakaapekto sa humigit kumulang dalawa hanggang tatlong milyong katao sa buong mundo. Ang mga lugar kung saan may mataas na kaso ng leprosy o ketong ay sa Africa, Asia, South America at sa Pacific. 

Ang acid-fast bacilli na Mycobacterium leprae ang nagdudulot ng sakit na leprosy. Hindi pa lubusang alam ang paraan ng pagkakapasa ng sakit na ito. Isang posibleng paraan ay sa pamamagitan ng paghinga o ng respiratory system at isa pang posibleng paraan ay sa mga sugat sa balat kung saan maaaring makapasok ang bacteria na M. leprae. May mga hayop din na reservoir o pinaninirahan ng bacteria na M. leprae tulad ng armadillos, African chimpanzees at mga unggoy kung kaya may posibilidad na naipapasa din ito mula sa hayop (zoonotic source of infection)

Kadalasang tumatagal ng tatlong hanggang limang taon ang incubation period ng leprosy. Ngunit may mga kaso na ilang linggo o hanggang tatlumpung taon bago lumabas ang senyales at sintomas ng leprosy.

Sintomas ng Sakit na Leprosy

  1. Skin lesion o sugat na nawawalan ng kulay o nag-iiba ng kulay kumpara sa balat
  2. Makapal, matigas at tuyong balat
  3. Pananakit ng katawan
  4. Namamanhid ang mga apektadong bahagi ng balat
  5. Nanghihina ang mga muscles at nakakaramdam ng pamamanhid sa kamay at paa
  6. Problema sa mata na maaaring mauwi sa pagkabulag
  7. Pagdudugo ng ilong
  8. Ulcers o sugat sa sakong


Maaari madiagnose ang leprosy sa pamamagitan ng physical examination ng mga sugat. Nagpapagawa ng skin biopsy sa mga suspected case ng leprosy. Tinitingnan gamit ang microscope at espesyal na stain kung mayroong acid-fast bacilli na M. leprae ang skin tissue sample. 

Ang maagang pagkadetect ng leprosy at agarang gamutan ang pinakamagandang paraan upang makontrol at maiwasan ang pagkalat ng sakit na leprosy. Patuloy pa rin ang pananaliksik sa paggawa ng bakuna laban sa sakit na leprosy. Huwag matakot na kumonsulta sa doktor upang malaman kung ikaw ay may leprosy. Libre ang gamot mula sa mga health centers para sa leprosy. May mga organisasyon din na handang tumulong at magbigay ng peer support kung ikaw ay mayroong leprosy. Nariyan ang Philippine Leprosy Mission at ang Hansen's Club ng PGH at East Avenue Medical Center upang magbigay suporta sa iyo. Sama-sama nating wakasan ang diskriminasyon at stigma ng sakit na leprosy. Nagagamot na ito kaya hindi dapat pandirihan ang mga taong apektado ng sakit na leprosy.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed