Huwag Lumusong sa Baha Upang Maiwasan ang Leptospirosis

8:41:00 PM


Huwag Lumusong sa Baha Upang Maiwasan ang Leptospirosis

Dahil tag-ulan na naman, dapat ay mag-ingat tayo sa sakit na Leptospirosis. Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na nakukuha mula sa ihi ng mga hayop na apektado ng leptospirosis. Ang ihi na may dalang leptospirosis ay maaaring mabuhay at tumagal sa lupa at tubig ng ilang linggo hanggang ilang buwan. Maraming hayop ang may dala ng bacteria na Leptospira tulad ng baka, baboy, kabayo, aso, daga at iba pang wild animals. Maaaring walang sintomas ang mga hayop kahit apektado sila ng leptospirosis at patuloy lang silang nagkakalat ng leptospirosis sa paligid sa pamamagitan ng kanilang ihi.

Maaaring magkasakit ang isang tao kapag lumusong sa tubig na may ihi ng infected na hayop. Papasok sa balat o mucous membranes (ilong, mata at bibig) ang Leptospira lalo na sa mga sugat. Ang pag-inom ng tubig na may Leptospira ay maaari ring magdulot ng leptospirosis. Madalas na dumadami ang kaso ng leptospirosis tuwig umuulan at bumabaha.

Mga sintomas ng Leptospirosis:
  1. Mataas na lagnat
  2. Sakit ng Ulo
  3. Nilalamig at Nanginginig
  4. Pananakit ng Muscles
  5. Pagsusuka
  6. Jaundice o Paninilaw ng Balat at Mata
  7. Mapulang Mata
  8. Pananakit ng Tiyan
  9. Diarrhea
  10. Rashes

Kadalasang nagkakasakit ang isang tao dalawang araw hanggang apat na linggo pagkatapos maexpose sa bacteria na Leptospira. Kapag hindi nagamot ang leptospirosis ay maaari itong magdulot ng kidney o liver failure o meningitis.

Ang leptospirosis ay isang occupational hazard at madalas makita sa mga temperate at tropical climates. Madalas na naaapektuhan nito ang mga magsasaka, minero, sewer, nagkakatay ng baboy, veterinarian, animal caretakers, manginigisda, pastol at military personnel. Madalas nagkakasakit ang mga naliligo, lumulusong, nagbabangka sa mga lawa at ilog. Nakikita rin ang sakit na ito sa mga madalas sumubok ng outdoor sports sa tropical at temperate countries.

Para maiwasan ang leptospirsos, iwasang maligo at magtampisaw sa tubig baha, gumamit ng proteksyon tulad ng bota at gloves kapag hahawak o lulusong sa tubig baha, tanggalin ang mga posibleng tubig na kontaminado ng ihi na may Leptospira at siguruhing walang daga sa inyong bahay at kapaligiran. Kung ikaw ay nakakaranas ng mga sintomas na nabanggit sa itaas sa loob ng dalawang araw at ikaw ay lumusong sa tubig-baha, kumonsulta agad sa doktor.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed