Liham para sa mga lumalaban, gumagapang at kumakapit na mga medical students

7:10:00 AM



Para sa iyo na patuloy na lumalaban, gumagapang at kumakapit sa manipis na pisi na nagdudugtong sa iyo at sa pangarap mong maging isang doktor. Huwag kang sumuko kahit na gaano man kahirap, gaano man kabigat ang iyong pinagdadaana sa medisina. Pumasok ka dito na buo ang iyong pangarap na maging isang doktor, lalabas ka ng taas noo dala ang karugtong na MD sa pangalan mo. 

Huwag kang bibitaw at aalis sa medisina. Hintayin mong palayasin ka nila. Pero hangga't hindi ka pinapaalis ng iyong paaralan, ibig sabihin hindi pa tapos ang iyong laban. Susuungin mo ang laban hanggang sa katapusan. Hindi mo nalang mamamalayan, umaakyat ka na sa hagdan patungo sa entablado kung saan naghihintay ang diploma na iyong pinakainaasam.

Ano naman kung lagi kang bumabagsak? Ano naman kung laging mababa ang grade na iyong nakukuha? Sawa ka na bang hanapin yung pangalan mo sa pinakadulong pahina kasi alam mo naman na isa ka sa may pinakamababang marka sa inyong klase sa medisina? Huwag kang sumuko kaibigan. Pasasaan ba at makukuha mo rin ang tamang technique sa pag-aaral. May tinatawag kasing adjustment period. Makakaadjust ka din. Hintay lang.

Siguro nagtatanong ka ngayon kung bakit yung iba mong kaklase sa medical school parang walang problema. Laging mataas yung nakukuha nilang marka. Bakit parang walang adjustment period sa kanila at agad-agad nilang nahanap yung perfect strategy para makapasa sa lahat ng exams. Sila yun! Iba ka naman e. Ang medical school naman ay hindi parang high school na may Top 10 kada grading period. Hindi mo naman kailangang ikumpara yung sarili mo sa kanila. 

Tandaan mo na hindi ka nakikipagkumpetensya sa mga kaklase mo. Kaibigan sila, kakampi at hindi kaaway. Sa hinaharap, kayo din naman ang magtutulungan para makapagligtas ng buhay. Kayo-kayo din ang magrerefer sa isa't isa kapag may pasyente kayo na nangangailangan ng specialty ng bawat isa. Ang talagang kalaban mo sa medisina ay ang sarili mo. Kalaban mo yung takot at pangamaba na hindi mo kakayanin na maging isang doktor, kalaban mo yung katamaran at pagsuko sa mga laban at kalaban mo yung hindi mo pagtitiwala sa sarili mo na kaya mong mapagtagumpayan ang medisina.

Iba ka! Hindi ka sila! May sarili kang pagkatao. May angkin kang galing na hindi nila kayang gawin. Marahil ay magaling ka sa pagsayaw, pag-awit, pag-arte, magaling kang makitungo sa ibang tao, magaling kang makinig sa mga problema ng ibang tao at magpayo, magaling kang magpangiti at magpasaya. Iba-iba tayo ng angking galing. Tulad ko, aminado naman ako na hindi ako matalino. Sa totoo lang, nakakuha ako ng mababang marka sa medical school. Minsan saktong pumapasa lang ako sa mga lecture exams. Syempre nalungkot ako noong una. Hindi naman siguro maiaalis iyon lalo na at matataas ang marka ng iba kong kaklase. Pero naisip ko noon na hindi naman ito lang ang sukatan ng dami at lawak ng natutunan ko. Higit sa head knowledge, mahalaga ang skills at application. Dahil kapag humarap naman tayo sa pasyente natin, hindi naman itatanong ang grades natin sa medical school, ang mahalaga sa kanila ay kung mapapagaling natin sila. At kung maayos ba tayong makitungo sa ating mga pasyente.

Sa palagay ko naman nareretain ko naman ang mga skills at practical application ng mga inaaral namin sa school. Hindi naman ako bumabagsak kapag OSCE na. Kailanman hindi ako nainsecure sa kahit sinuman. Kasi alam ko ang kakayahan ko at kung saan ako pinakamagaling. Ayos lang kahit hindi ako ang pinakamatalino sa klase, basta alam ko na ginagawa ko ang best ko, ayos na yun. Basta nagagawa ko yung mga bagay na gusto ko at may alam ako tulad ng research, blogging, entrepreneurship at teaching. Kanya-kanya tayo ng niche! No need to compare.

Syempre, hindi naman nakukuha sa self-pity lang ang lahat. Kailangan din naman may ginagawa ka para makapasa sa exams. Kailangan din na maglaan ng oras para sa pag-aaral. Walang mataas na marka ang nakukuha ng madalian. Syempre dapat pinaghihirapan mo yan. Huwag naman puro extracurricular activities ang ginagawa mo. Tandaan mo na medicine ang major mo at hindi extracurricular activities. Moderation lang sa lahat ng bagay. Syempre priority pa rin ang pag-aaral bilang estudyante ka. Pero huwag naman sana na sa pag-aaral lang umiikot ang iyong buhay. Have a life brad!

Gusto ng mga tao ng isang magaling na doktor. Pero ang binabalik-balikan ng mga pasyente ay yung mabait na doktor. Pero siyempre, hindi sapat na magaling ka lang. Dapat ay magaling ka din. Hindi naman kasi mapapagaling ng kabaitan mo lang ang sakit ng pasyente mo. Dapatmay alam ka din. Kaya galingan mo rin sa pag-aaral. 

O, kaya ikaw na medical student na nagbabasa nito. Huwag ka nang malungkot. Kahit na sobrang gulo ng mga nangyayari na parang di mo na maintindihan kung matatapos mo pa ba ang medisina, patuloy ka lang na kumapit. Patuloy mo lang mahalin ang medisina kahit sa palagay mo hindi naman nito sinusuklian ang iyong pagmamahal. Ang buhay naman parang pagpipinta yan. Habang ginagawa ng pintor yung painting, maraming kailangang gawin. Maraming layers ng pintura at maraming hagod ng brush. Maraming dugo at pawis, maraming sakit ng katawan at isipan. Pero sa huli, kapag natapos na yung painting, doon mo lang maaappreciate yung ganda nito. Ganyan din sa medisina. Sa ngayon di mo maintindihan para saan yung mga nangyayari sa iyo at kung bakit nararansan mo ang mga paghihirap na ito. Pero in the future, kapag doktor ka na. I'm sure it will all make sense. Lumaban ka. Hindi para maipagmalaki ang iyong sarili at makakuha ng parangal sa hinaharap. Bonus na lang siguro yan. Pero lumaban ka kasi maraming pasyente ang naghihintay sa iyo sa hinaharap. Lahat ng iyong paghihirap, tiyak na masusuklian kapag nagawa mong maisalba ang kahit isang pasyente lang kapag MD ka na. Fighting!

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed