Book Review: Bulanglang

8:34:00 PM


Parte pa rin ng series na "Mga Kwento nina Pagong at Matsing" ang Bulanglang. Nilikha ito ni Maam Will Ortiz at iginuhit naman ni Sir Dominic Agsaway. Ang librong ito ay mula sa Lampara Books. Ito na ang huling kwento mula sa series na aking gagawan ng review. Talagang na-enjoy kong basahin at gawan ng review ang mga kwento mula sa series na ito kasi maikli lamang ang mga kwento pero siksik sa mga aral at kwento.

Nagsimula ang kwento na nagkukumpuni ng bubong si Matsing. Naghahanda sila sapagkat may paparating na ulan. Si Pagong naman ay namimitas ng mga gulay para mayroon silang makain sakaling maging sobrang lakas ng ulan. Magandang ugali itong ginagawa nila Pagong at Matsing: ang pag-iimpok. Dapat lamang na matuto ang mga bata na maghanda sa oras ng pangangailangan kaya dapat ay laging maging handa. Naalala ko tuloy si Joseph sa Bible, tinulungan niya ang Pharaoh ng Ehipto na pamunuan ang buong bayan. Bago ang pitong taon ng tagtuyot, nag-impok si Joseph ng mga pagkain bago sumapit ang taggutom. Dahil dito, hindi sila nagutom at yumaman sila dahil sa kanila bumibili ng pagkain ang mga tao na hindi naghanda para sa tagtuyot.

Nagluto sila Pagong at Matsing ng Bulanglang. Mayroon itong kalabasa, sitaw, talong at okra. Nakakatuwa itong magkaibigan dahil kumakain sila ng gulay. Maraming mga bata ngayon na hindi mahilig kumain ng gulay kaya naman marami ang malnourished o sakitin. Dapat ay hikayatin ng mga magulang na kumain ng gulay at prutas ang mga bata. Mainam na habang bata pa lamang ay matuto na silang kumain ng mga masusustansyang pagkain at hindi lamang puro junk food at fast food na mamantika at sobrang alat. 

Malakas na ang ulan noong naluto ang kanilang pagkain. Pero bago pa man sila makakain ay may kumatok sa kanilang pinto. Basang-basa si Maya at nanghingi ito ng pagkain sapagkat wala silang makakain. Naulit ito ng tatlong beses sapagkat may iba pang hayop na nangangailangan ng pagkain. Hindi na nakakain sila Pagong at Matsing dahil naubos na ang kanilang pagkain dahil ibinigay nila ito sa mga nangangailangang hayop. Naubusan man ng pagkain ay masaya pa rin sila sapagkat marami silang natulungang mga hayop. Nagulat na lamang sila at may biglang kumatok sa kanilang pinto. Dumating si Aso na may dalang bulanglang na kanilang pinagsaluhan.

Naipakita sa kwento ang kahalagahan ng pagbibigayan. Hindi naging maramot sila Pagong at Matsing at ibinahagi nila ang kanilang pagkain sa ibang tao na higit na nangangailangan. Lagi ngang sinasabi na "It is better to give than to receive". Ibig sabihin ay marami kang biyayang tinatamasa at dahil sobra-sobra ito kaya ibinibigay mo ito sa ibang tao.

Ang pagbibigay ay isa sa mga aral na itinuro sa akin ng Panginoon. Hindi naman ako lumaki sa mayamang pamilya kaya naranasan ko ang biyaya ng Panginoon sa pamamagitan ng iba't ibang mga tao at institusyong tumulong sa akin para makamit ko ang mga pag-aaral ko. Kaya naman ngayon, sinisikap ko na magbigay at tumulong bilang pagbabalik ng lahat ng biyayang natanggap ko mula sa Panginoon. Sa ngayon kahit na nag-aaral pa rin ako ng medisina, nagbibigay ako sa dalawang organizations na nagpapaaral ng mga kabataan. Masaya ako na kahit nag-aaral pa lang ako ay may mga kabataan akong natutulungan para makapagtapos ng pag-aaral.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed