Aral Mula sa Pighati ni Pirena

9:14:00 AM

(c) Encantadia: Natatanging Kakampi ni Pirena from GMA Network Youtube Channel

Maraming matututunan mula sa buhay ni Pirena. Hindi ko alam kung nanonood kayo ng Encantadia pero si Pirena ay isang diwata na nilamon ng kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan. Sa pagnanais na maagaw ang trono mula sa kanyang kapatid na Reyna na si Amihan ay pinili niyang umanib sa kasamaan. Ito ang nagdala sa kanya ng kapighatian sa buhay. Itinakwil siya ng mga mahal niya sa buhay maging ang kanyang sariling anak at ama. Pinagtaksilan siya ng mga alagad niya at iniwan siyang nag-iisa.

Tumatak sa akin ang clip na ito sa episode ng Encantadia kung saan nagbalik sa Sapiro si Pirena. Hindi sa kanya ang kahariang ito ngunit inaangkin niya ito mula sa Hari ng Sapiro na si Ybrahim. Kahit na mag-isa na lamang siya ay nais niya pa ring kalabanin sila Ybrahim dahil higit na makapangyarihan siya kumpara sa mga ito sapagkat taglay niya ang brilyante ng tubig. Ngunit hindi nakipaglaban sila Ybrahim bagkus ay nag-iwan ng matatalim na pahayag na kumurot sa puso ni Pirena.

"Oo nga at may kapangyarihan ka upang kami ay talunin ngunit para saan ang tagumpay? Para kanino ang Sapiro kung sakali mang maagaw mo ito mula sa akin? Para sa iyong sarili lamang? Sa tingin mo ba ay ikaliligaya mo ba ito? Kahit kailan ay hindi ka magiging masaya dahil mag-isa ka lang. Kaya kahit manalo ka man sa ating laban, nakakaawa ka pa rin".

Malaman ang mga katagang binitiwan ni Ybrahim at tunay na kapupulutan ng aral. Walang saysay ang karangyaan, tagumpay at yaman sa buhay kung ikaw ay nag-iisa lamang. Hindi ka tunay na magiging masaya sa rurok ng tagumpay kung nag-iisa ka lamang. Wala kang kasama sa iyong kasiyahan sapagkat inapakan mo ang mga tao sa iyong paligid para lang makatuntong sa mataas na pedestal na iyong kinalalagyan. Sinakripisyo mo ang mga taong nagmamalasakit sa iyo at nagmamahal sa iyo ng tunay para lang sa pangarap mo na makamit ang labis na yaman.

Kung ganito kang klase ng tao tulad ni Pirena na ipagpapalit ang lahat maging ang kanyang pamilya at mahal sa buhay makamit lang ang tagumpay sa buhay, hindi ka pa man nag-uumpisa sa iyong laban, talo ka na. Marating mo man ang itinuturing mong "tagumpay", hindi ka lubusang magiging masaya. Iba pa rin kapag may kasama ka sa iyong tagumpay. Iba kapag kasama mong umaangat sa buhay ang iyong mga mahal sa buhay. Aminin man natin o hindi, naghahanap pa rin tayo ng pagmamahal at pag-alaga mula sa mga taong mahal natin. Kagaya ni Pirena, na pilit mang itago na kaya niyang mag-isa, na kaya pa rin niyang ipagpatuloy ang kanyang mithiing magkamit ng labis na kapangyarihan, nangungulila pa rin siya sa pagmamahal ng kanyang anak at mga kapatid.

Hindi pa huli ang lahat. May oras pa para magbago. Katulad ni Pirena, unti-unti na niyang napagtatanto na walang saysay ang kanyang pagsisikap na magtagumpay sapagkat siya ay nag-iisa na lamang. Mas masarap kapag may mapagkukwentuhan ka ng iyong tagumpay dahil kasama mo ang mga mahal mo sa buhay. Malungkot ang mag-isa. Hindi ka mapapasaya ng kayamanan o anumang materyal na bagay. Mawala man ang katanyagan, kayamanan at iyong kapangyarihan, ang iyong mga mahal sa buhay ay mananatili at sasama iyo magpakailanman.

You Might Also Like

0 comments

Google+ Followers

Twitter Feed